All set na ang Quiapo Church para sa Ash Wednesday bukas, Pebrero 17. Nakahanda na rin ang mga pulis sa pagbuhos ng mga tao sa nasabing simbahan.
Magsasagawa ng 11 misa ang simbahan bukas na mag-uumpisa ng alas-5 ng umaga habang ang huling misa ay gaganapin ng alas-8 ng gabi.
Ayon sa Sta. Cruz Police Station may dagdag police deployment sa paligid ng simbahan. Ipatutupad din nila ang hiwalay na entry at exit points sa Plaza Miranda.
Ito’y matapos na rin payagan ang 50 percent capacity sa loob ng simbahan na pumasok sa loob.
Nasa 500 na ang pwedeng magsimba sa loob ng simbahan. Pwede pa rin magsimba sa labas ng simbahan at may mga markers pa rin sa gilid sa Quezon Boulevard at Carriedo.
Bukod sa markers, may inilagay na ring harang sa paligid ng Plaza Miranda.
Nagpaalala naman ang simbahan na ang Ash Wednesday ay mahalagang araw ng pag-aayuno. Kung nasa hustong gulang, obligasyon ang pagbabawas sa pagkain, pagkukumpisal, pagkakawanggawa at pagaalay ng panalangin.
Ipinaalala din ng simbahan ang pagsunod sa mga health protocol.