LA UNION – Kasabay ng niluwagan na community quarantine measures dahil sa Coronavirus Disease (COVID) pandemic, muli ring umiral ang kaso ng African swine fever (ASF) sa La Union noong buwan ng Hunyo.
Kinumpirma sa ni Provincial Veterinarian Dra. Nida Gapuz sa Bombo Radyo La Union kahapon na may kabuuang 825 na baboy ang isinailalim sa culling noong Hunyo partikular sa tatlong bayan sa lalawigan na kinabibilangan ng Sudipen, Agoo, at Sto. Tomas.
Ayon naman kay Municipal Agriculturist Zeny Corpuz ng Sudipen, mayroong 575 na baboy na karamihan ay biik, inahin at native, ang isinailalim sa culling sa apat na sitio sa Barangay Namaltogan at isang sitio sa Barangay Old Central.
Nasa 78 hograisers mula sa mga nabanggit na lugar ang naapektuhan.
Sa bayan naman ng Agoo, kinumpirma sa Bombo Radyo ni Municipal Agriculturist Victoria Cavinta na isang backyard sa Barangay San Miguel ang nagpositibo ng ASF at 20 baboy ang inilibing.
Sa ngayon aniya, na-contain na ang kaso ng ASF at wala nang naidagdag pa na kaso ng ASF.
Samantala, sa bayan ng Santo Tomas ay 250 baboy ang isinailalim sa culling noong Hunyo ayon kay Municipal Agriculturist Teresita Tagarino.
Sinabi ni Tagarino na noong Mayo pa sila nakapagtala ng kaso ng ASF sa Barangay Patac, Ambitacay, Namboongan, Ubagan at Lomboy.
Halos 15 hograisers ang apektado rito.