-- Advertisements --

Sinabi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na may nakikitang positibong pag-usad sa negosasyon para sa Code of Conduct (COC) sa WEst Ph Sea, ayon kay ASEAN 2026 spokesperson Dominic Xavier Imperial.

Ayon kay Imperial, patuloy ang serye ng pag-uusap ng ASEAN at China kasama ang 10 miyembrong bansa, at inaasahan ang panibagong pulong sa mga susunod na linggo para sa pagpapatuloy ng negosasyon.

Giit niya, hiwalay ang COC sa ibang ASEAN agenda ngunit mahalaga ito dahil layon nitong maglatag ng rules of engagement upang maiwasan ang paglala ng maritime disputes na posibleng mauwi sa armadong tensyon.

Bagama’t mahigit isang dekada nang tinatalakay, sinabi ng ASEAN na “encouraged” sila sa mas aktibong commitment ng mga kalahok at sa mas madalas na konsultasyon sa pagitan ng ASEAN at China.

Dagdag pa ng DFA, mahalagang matiyak na ang magiging kasunduan ay hindi maglilimita sa karapatan at interes ng iba pang bansa sa West Philippine Sea. (report by Bombo Jai)