-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Kabuuan na naging matagumpay at payapa ang ginanap na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) 3rd Digital Ministers Meeting (ADGMIN) at ASEAN Digital Senior Officials (ADGSOM) na pinangunahan ng Department of Information and Communication Technology (DICT) sa isla ng Boracay.

Inihayag ito ni P/Capt. Aubrey Ayon, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office (APPO) kasunod sa papuri na kanilang natanggap mula sa host agency at maging sa mga delegasyon ng ASEAN member states dahil sa seguridad na kanilang inilatag sa kabuuan ng event.

Dagdag pa nito na halos 80 porsyento umano ng international delegation ay baguhan sa Boracay kung saan, may kanya-kanya silang bantay maging sa kanilang personal na lakad.

Nabatid na pagkatapos ng pulong ay hindi pinalampas ng mga delegasyon ang paglilibot sa isla.

Nasa 400 uniformed PNP personnel at Philippine Army maliban pa sa ibang force multipliers ang itinalaga sa mainland Malay at isla ng Boracay upang matiyak ang kaligtasan ng mga dumalo sa nasabing event.

Nabatid na ang 3rd international event ng ASEAN Ministers Meeting ay unang pagkakataon na nagkaroon ng face to face meeting matapos ang mahigit dalawang taon na COVID-19 pandemic sa bansa kung saan, ila sa mga pinag-usapan sa naturang meeting ay digital development, digital transformation, innovation at iba pang digital skills.

Magtatagal hanggang taong 2024 ang chairmanship ng Pilipinas sa ASEAN meeting at pagkatapos nito ay ipapasa sa bansang Singapore.

Ang susunod na ASEAN Meeting ay gaganapin sa bansang Singapore.