-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Tiniyak ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na babantayan ang pagproseso ng Certificate of Product Registration (CPR) ng Ivermectin bilang gamot umano laban sa COVID-19.

Kaugnay ito ng mga suhestiyon ng ilang doktor at mambabatas na pag-aralan at maiparehistro ang anti-parasitic drug sa mga hayop, na pinaniniwalaang magiging epektibo sa COVID-patients.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay ARTA DGen. Atty. Jeremiah Belgica, nakipag-ugnayan na rin ang tanggapan sa grupo ng mga doktor, Food and Drug Administration (FDA), Department of Health (DOH) at mga pharmaceutical companies para sa mabilis na pagpoproseso ng CPR ng gamot.

Sagot naman ng FDA at DOH, agad na isasagawa ang mga pag-aaral sa pag-alam ng efficacy nito sakaling makumpleto na ang mga dokumento.

Tinatayang aabot ng tatlo hanggang 23 araw bago matapos ang kinakailangang proseso at makumpirma kung maaring mairehistro ang Ivermectin bilang panlaban sa COVID-19.

Partikular ring binabantayan ng ARTA na walang mangyaring red tape nang hindi matagalan ang proseso.