Ipinagmalaki ngayon ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. ang magandang balita na plantsado na ang pagdating ng mahigit 10 milyon ng mga bakuna ngayong buwan ng Hunyo.
Ayon sa kalihim ngayong Linggo, Hunyo 6 ay darating sa NAIA ang isang milyon na supply ng Sinovac vaccine ng China.
Sa June 10, isang milyon muli ng Sinovac ang sasalubungin sa bansa.
Sinabi ni Galvez na magandang balita rin na sa June 10 at June 11 ay darating naman ang Pfizer vaccine mula sa COVAX facility ng WHO na aabot sa dalawang million at 280,000.
Ito ay liban pa na sa kalagitnaan din ng buwang ito ay nandiyan din ang Astrazeneca BionTech na mahigit din sa dalawang milyon ang darating.
Meron din daw darating na isang milyong doses ng Sputnik V mula sa Russia at 250,000 na Moderna vaccines na order naman ng private sector.
Sa kabuuan nasa 10.9 million ang inaasahan ng IATF na bubuhos na mga bakuna ngayong buwan lamang kasama na ang 3.5 million na Sinovac vaccines.
Dahil dito, muli raw nagsagawa sila ng dry run o simulation kung papaano ang paghawak sa dami ng mga bulto ng bakuna na darating sa bansa.
Samantala sa buwan naman ng Agosto ay tataas pa lalo ang suplay ng Moderna vaccine at Aztrazeneca sa Pilipinas.
Sa pagtaya pa ni Sec. Galvez aabot na sa 15 to 20 million na mga bakuna ang bubuhos pa sa buwan ng Setyembre at Oktubre.