-- Advertisements --
Col. Medel Aguilar

Walang nakikitang dahilan ang Armed Forces of the Philippines na posibleng maging ugat ng paghihiganti ng mga miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front hinggil sa pagpanaw ng founding chairman nito na Jose Maria Sison.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Armed Forces of the Philippines Spokesperson Col. Medel Aguilar ay iginiit niya na hindi magsasagawa ng retaliation ang mga kasapi ng nasabing teroristang grupo dahil hindi sa enkwentro nasawi si Sison kundi sa sa isang ospital sa labas ng Pilipinas.

Dagdag pa niya, bukod dito ay mismong ang CPP-NPA na rin ang nagsabi na dahil sa pagpanaw ng kanilang pinuno ay tila nawalan na rin sila ang isang tagapagturo bagay na nangangahulugan lamang aniya ng kawalan ng sense of purpose at direction ng mga kasapi nito.

Ngunit sa kabila nito ay una na ring sinabi ni Aguilar na hindi makakampante at mananatiling nakaalerto pa rin ang buong Hanay ng Sandatahang Lakas hinggil sa anumang posibleng gawing tactical approach ng naturang grupo kahit na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin aniya silang namamataang anumang banta na maaaring magdulot ng takot at pangamba sa publiko.

Kung maaalala, una na ring sinabi ni Aguilar ang posibilidad na mas makatulong ang pangyayaring ito para magkaroon ng kapayapaan sa bansa kasabay ng kaniyang pagpapahayag ng pag-asa na mas magkakaroon ng mga pagbabago at pagkakataon ang dating mga nasasakupan nito na piliin ang tamang landas na walang halong karahasan.