-- Advertisements --

Hindi pa rin tumigil si Ariana Grande ng pagbibigay ng regalo sa mga batang pasyente sa Manchester, England.

Ito ang naging pangako niya mula ng maganap ang Manchester Arena attack noong 2017 concert niya na ikinasawi ng 22 katao.

Mula ng mangyari ang insidente ay tuloy-tuloy ang pagbibigay niya ng regalo sa Hospital Charity ng Manchester.

Pinasalamatan ng nasabing pagamutan ang singer dahil sa walang patid na pagtulong nito sa mga batang pasyente.

Ilan sa mga nabigyan ng mga regalo ay yung mga sanggol, bata at teenagers ng pediatric wards ng Royal Manchester Children’s Hospital, Trafford Hospitals, Wythenshawe Hospital at North Manchester General Hospital.

Noong nakaraang taon ay binigyan ng singer ng 1,000 na regalo sa mga bata sa Manchester at noong 2020 ay namahagi ito ng tig-$120 na Amazon voucher sa bawat batang pasyente ng Royal Manchester Children’s Hospital at Manchester Royal Infirmary.

Sa nagdaang limang taon kasi ay napanatili ng singer ang pagiging malapit sa Manchester kahit na nabigyan ng honorary citizen matapos ang kaniyang “One Love Manchester” benefit concert na isinagawa para makalikom ng pondo sa mga biktima ng Arena attack.