-- Advertisements --
Arestadong chief security ng HDJ Tolong Compound na pag aari ni Pryde Henry Teves nakuhaan ng larawan ng pamilya at mapa ng bahay ng mga Degamo1

Pinagpapaliwanag ngayon ng Philippine National Police si dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves matapos na makakuha ang mga otoridad ng mabibigat na ebidensya sa gitna ng nagpapatuloy na search warrant na isinasagawa ng mga ito sa kaniyang property.

Sa ginanap na pulong balitaan ngayon araw ay kinumpirma ni PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo na nakuhanan ng mga larawan ng pamilya Degamo at sketch ng mapa at ruta papunta sa bahay ng gobernador sa Pamplona, Negros Oriental ang isa sa mga naarestong suspect ng mga pulis sa ikinasang search warrant ng PNP-CIDG at SITG PRO7 sa HDJ Tolong Compound na pag-aari ni Pryde Henry Teves.

NEGIL ELECTONA

Ang suspect na ito ay kinilala ng pulisya na si Negil Electona na tumatayong chief security sa HDJ Compound, at dating pulis na nasibak sa serbisyo sa ranggong Patrolman noong taong 2017 nang dahil sa pagkakadawit sa paggamit at pag-iingat ng ilegal na droga.

Ayon kay Fajardo, batay sa ulat na natanggap ng National Headquarters mula sa mga ebidensyang ito ay kumpiyansa ngayon ang Pambansang Pulisya na malaki ang ginampanang partisipasyon ni Electona sa karumaldumal na pamamaslang kay governor Degamo at 8 iba pa.

“Naniniwala po ang SITG na ito [ebidensya] po ay nagamit during the planning stage bago isagawa ang pagpatay kay Governor [Roel] Degamo at according sa SITG PRO7 na itong si Negil na tumatayong chief security ng HDJ compound ay kasama po sa naging pagpaplano, nandun siya sa briefing, at isa siya sa mga tumulong sa gunmen na may actual participation sa pagpatay kay governor [Roel] Degamo.” ani PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo.

Samantala, kaugnay nito ay nilinaw din ni Fajardo na ang mga ebidensyang kaniyang binabanggit tulad ng larawan ng pamilya Degamo at mapa ng bahay nito na nakuha mula kay Electona ay narekober sa hiwalay na operasyon.

Bukod kasi sa nagpapatuloy na search warrant ngayon ng mga otoridad sa compound na pag-aari ni Pryde Henry Teves ay hinalughog din ng SITG PRO7 sa hiwalay na operasyon ang mga bahay ng mga suspect kung saan nga narekober ang nasabing mabibigat na ebidensya.