-- Advertisements --

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mas mataas na arawang subsistence allowance para sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa P350 mula sa P150.

Ito ay sa bisa ng nilagdaang Executive Order (EO) 84 ng Pangulo kahapon, Marso 14 na isinapubliko ngayong araw ng Sabado, Marso 15.

Ibibigay retroactively ang mahigit sa dobleng pagtaas ng allowance na P200 simula noong Enero 1, 2025.

Nakasaad sa EO na mahalaga ang pagtaas ng subsistence allowance ng lahat ng mga opisyal at enlisted personnel ng AFP para sa pagprotekta at pagsusulong ng kanilang kapakanan bilang pagkilala sa kanilang mga sakripisyo at dedikasyon sa pagdepensa at paninindigan sa soberaniya at territorial integrity ng ating bansa.

Inihayag din sa naturang EO na ang kasalukuyang allowance ay hindi na sapat para matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga sundalong nasa serbisyo na mahalaga para sa kanilang kapakanan at paggampan ng kanilang mga tungkulin.

Huli kasing nagkaroon ng adjustment sa naturang allowance ay noon pang 2015 sa ilalim ng Congress Joint Resolution 5 na inisyu sa parehong taon.

Magbebenispisyo naman dito ang mga trainee at ang mga probationary 2nd lieutenants o ensigns na sumasailalim sa military training, Military Training cadets na nasa summer camp training at reserve officers, at enlisted reservists na sumasailalim sa mga pagsasanay at assembly o mobilization test, Citizen Armed Force Geographical Unit, at mga kadete.