ILOILO CITY – Isinagawa nitong Mayo 26, ang expanded testing para sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa 1st district sa lalawigan ng Iloilo.
Sa expanded testing, hindi lamang ang may sintomas ng COVID-19 ang isasailalim sa test pati na rin ang mga asymptomatic.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay dating Iloilo 1st District Rep. Richard Garin, sinabi nito na target nila ang araw-araw na pagsasagawa ng expanded testing.
Ayon kay Garin, ang samples ay dadalhin sa Western Visayas Medical Center kung saan ang unang 15,000 tests ay babayaran ng opisina ni Iloilo 1st District Rep. Janette Garin.
Pinasalamatan rin ni Garin ang mga local officials at mga negosyante dahil sa kanilang pagtutulangan ay naka ipon sila ng P3.1 milyon na syang ginagamit sa pagbili ng automated extractor at PCR machine at karagdagang test kits.
Ani Garin, 50 katao sa kada bayan sa 1st district ang sasailalim sa test kung saan prayoridad ang frontliners, repatriated Overseas Filipino Workers, may mga sakit at nagdadalang tao.
Dagdag pa ni Garin, bukas rin para sa media ang expanded testing kahit na hindi sila residente ng 1st district.