Hiniling ni House Appropriations panel chair at Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co sa kaniyang mga kasamahan sa Kamara na suriing mabuti ang 2025 national budget na inilatag ng economic managers na bahagi ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) upang maipasa ang isang “realistic budget” na maaaring suportahan ng nakokolektang buwis.
Ayon kay Co, layunin ng Kamara na agad maaprubahan ang isang badyet na hindi lamang tutugon sa mga pangangailangan ng bansa kundi maglalatag din ng pundasyon para sa pangmatagalang paglago at kaunlaran na naaayon sa ating bisyon sa Ambisyon 2040.
Sinabi ng Kongresista, ang Ambisyon Natin 2040 ay naglalayong gawing middle-income country ang Pilipinas, na may antas ng kita na tatlong beses na mas mataas sa 2040 kumpara sa antas nito noong 2015.
Tungkulin ng House of Representatives na tiyakin ang mga pinansyal na yaman ng ating bansa ay inilaan nang epektibo at may pananagutan upang matugunan ang pangangailangan at hangarin ng ating mga mamamayan.
Ngayong araw, sinimulan ng House Committee on Appropriations ang pagdinig sa panukalang P6.352 trilyong badyet para sa taong 2025, isang mahalagang hakbang para tiyaking may sapat na pondo sa pagpapasigla ng ekonomiya at delivery ng social services.
Ayon kay Co ang panukalang pambansang badyet ay hindi lamang isang financial document kundi ito’y sumasalamin sa mga prayoridad, mga pangako at bisyon para sa hinaharap.
Dagdag pa ng Kongresista ang 2025 budget ay maaaring makatulong sa mas maraming Pilipino na malampasan ang poverty threshold, lalo na matapos ang aksyon ng pamahalaan na ibaba ang taripa sa bigas sa 15 porsyento mula sa 35 porsyento.
Ang 2025 budget ay naglalatag ng plano ng pamahalaan upang pasiglahin ang paglago ng ekonomiya, pagandahin ang mga serbisyong panlipunan, pagbutihin ang imprastruktura, at tiyakin at mapapanatili ang pag-unlad.