-- Advertisements --

Nai-transmit na sa Malakanyang para malagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang 2024 General Appropriations Bill na nagkakahalaga ng P5.768 trillion pesos.

Ayon kay AKO Bicol Partylist Representative Elizaldy Co, Chairman ng House Committee on Appropriations, ni-request ng Malakanyang na maipadala sana sa Palasyo ang 2024 GAB bago umalis patungong Japan si Pangulong Marcos.

Subalit ayon kay Rep. Co hindi kakayanin dahil maraming pahina at kopya ang dapat iimprenta na bahagi sa requirements bago ito lagdaan ng Chief Executive.

Inihayag ni Representative Co sa pagbalik ni Pangulong Marcos mula sa biyahe sa Japan, ii-schedule na ang paglagda nito sa 2024 national budget.

Una ng inihayag ni Speaker Martin Romualdez na posible sa Miyerkules malagdaan ng Pangulo ang 2024 national budget.

Nasa Japan ang Pangulo para dumalo sa 50th Anniversary ng ASEAN-Japan Relations sa Tokyo.