-- Advertisements --

Muling nanawagan si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate sa Manila Electric Company (Meralco) na i-waive ang nakatakdang dagdag-singil sa koryente ngayong Agosto sa gitna ng nagpapatuloy na pandemya.

Ayon kay Zarate, hanggang sa kasalukuyan ay walang tugon ang Meralco sa kanyang apela
na tulungan ang mga consumer nito sa gitna ng lockdown sa pamamagitan ng pag-waive muna sa power rate hike ngayong buwan.

“Until now, no response from Meralco,” sabi ni Zarate sa isang panayam.

Sinabi pa ni Zarate na mistulang walang silbi ang mga regulatory agencies tulad ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) para mapigilan ang mga pagtaas na ito sa gitna ng pandemya dahil sa EPIRA o Electric Power Industry Reform Act.

“This is the problem with EPIRA (Electric Power Industry Reform Act) and the deregulation, our regulatory agencies, DOE & ERC, are apparently becoming or made useless or inutile to prevent these increases in the midst of grave crisis aggravated by the pandemic,” anang kongresista.

Ikinalungkot din ni Zarate na mas inuuna ng Meralco ang kikitain nito kaysa kapakanan ng kanilang mga consumer.

“Profit-seeking still trumps even pure humanitarian considerations,” aniya.

Iginiit din ng kongresista na hindi naman ikalulugi ng Meralco ang pag-waive sa dagdag-singil sa kuoryente dahil noong nakaraang taon ay kumita pa nga ang kompanya ng P21.71 billion.

Nakatakdang tumaas ng .0965 centavos per kilowatt hour hanggang P9.0036 per kWh ang singil sa koryente ngayong Agosto, mula sa P8.9071 per kWh nitong Hulyo.

Ito na ang ika-5 sunod na buwan na may pagtaas sa singil ang Meralco mula noong Maso ngayong taon.