DAGUPAN CITY — Isang maselang usapin ang pagapela ng bansang Iraq sa pagtanggal ng deployment ban sa mga manggagawang Pilipino.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Arman Hernando, Vice Chairperson ng Migrante International, sinabi nito na ang naturang apela ay kinakailangang ikonsidera ng gobyerno sapagkat may epekto ito sa seguridad ng mga migranteng Pilipino.
Aniya na nananatiling may mga suliranin na kinakaharap ng nasabing bansa partikular na sa seguridad, pulitika, at ekonomiya na ugali sa isang civil war.
Saad ni Hernando na mas mainam kung iiwasan ng pamahalaan ang pagpaparami pa ng mga Pilipino na ipinapadala sa ibang mga bansa, lalo na kung ang mga ito ay may problema sa usapin sa seguridad at karapatang pantao.
Mapapansin aniya na sa mga nakaraang taon ay lalong dumarami ang mga manggagawang Pilipino na ipinadadala sa Middle East, habang matagal namang panahon na umiiral ang deployment ban sa Iraq, kaya hindi rin kalakihan ang mga Pilipino na nagtatrabaho doon, at kung mayroon man ay kinikilala sila ng gobyerno ng Pilipinas bilang undocumented at hindi legal.
Ito naman ani Hernando ay dagdag na peligro sa mga Pilipino sa naturang bansa sapagkat kung ang mga ito ay undocumented, hindi rin sila sakop ng mga serbisyo at mga programa sa ilalim ng polisiya ng iba’t ibang mga ahensya gaya na lamang ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at lalo ring bulnorable ang mga ito sa pangaabuso at karahasan mula sa mga employer o sa environment na kanilang pinagtatrabahuan.
Dagdag pa nito na sa kasalukuyang sistema ay hindi umaabot sa lebel ng konsultasyon sa mga organisasyon at mga grupo ng mga migranteng Pilipino ang mga usapin o pagdinig hinggil sa deployment ban at sa halip ay tanging ang mga sangay ng Department of Migrant Workers at ng Department of Foreign Affairs ang may kapangyarihan sa pagpapasya sa mga ito.