Inanunsyo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na halos 8,000 indibidwal o mahigit 2,000 pamilya na ang naapektuhan ng Bagyong Goring sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon sa ahensya, nasa kabuuang 7,919 katao o 2,302 pamilya sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, at Cordillera Administrative Region (CAR) na ang naapektuhan.
Sa kabuuang bilang, 1,948 indibidwal o 538 pamilya ang nasa evacuation centers habang 359 indibidwal o 107 pamilya ang pansamantalang naninirahan sa ibang lugar.
Samantala, 665 indibidwal o 152 pamilya mula sa Ilocos Region, Calabarzon, at Mimaropa ang pre-emptively evacuated.
Lumalabas din sa datos ng ahensya na may kabuuang 58 insidente ng pagbaha ang naitala sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, at Western Visayas.
Dagdag ng NDRRMC, humupa na ang pagbaha sa 10 lugar habang sa ibang lugar ay nananatili pa rin ang pag-ulan na nagdudulot ng pagtaas ng tubig-baha.
May 13 kalsada at limang tulay naman naiulat na hindi madaanan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Cordillera Administrative Region dahil pa rin sa Bagyong Goring.
Sa kasalukuyan, mahigit P25,000 na halaga ng tulong ang naibigay na sa Ilocos Region at CAR mula Department of Social Welfare and Development.