Tiniyak ng Clerk of Court ng Supreme Court (SC) na hindi na muling ipagpapaliban pa ang oral argument sa Anti Terror Act of 2020.
Muli kasing ipinagpaliban ng SC ang oral argument matapos magposibito sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang assistant solicitor general at ilang staff ng Office of the Solicitor General (OSG) na dadalo sana sa oral.
Ayon kay Clerk of Court Edgar Aricheta, mula sa original schedule na Enero 19 ay isasagawa na ang oral argument sa Pebrero 2.
Kahapon nang nagbigay ng abiso si Solicitor General Jose Calida sa Clerk of Court na positibo sa isinagawang swab test ang ilan sa kanyang staff na dadalo sa oral argument sa Martes.
Una rito, pinayagan na ng SC na magkaroon ng limitadong bilang ng mga abogadong mula sa magkabilang panig na dadalo sa unang oral arguments ngayong mayroong COVID-19 pandemic.
Si Calida ay una nang pinayagang magdala nang hanggang tatlong abogado.
Ang mga papayagang dadalo ay kailangang magprisinta ng COVID-19 RT-PCR test result sa loob ng 72 hours bago ang oral arguments.
Sina dating solicitor general Jose Anselmo Cadiz, Free Legal Assistance Group chairman Chel Diokno, Albay Representative Edcel Lagman at apat pang abogado ang nakatakda sanang sasalang sa oral argument para pagdebatihan ang 37 petisyon na kumukuwestiyon sa ligalidad ng pagkakapasa ng naturang batas.
Ang oral arguments ay isasagawa anim na buwan matapos maging epektibo ang anti-terrorism law.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon laban sa kontrobersiyal na batas sina dating SC justices Antonio Carpio at Conchita Carpio Morales, mga mambabatas, aktibista, estudyante, artists, journalists, labor groups at marami pang iba.
Sinabi ng mga petitioners na posibleng lalabag sa karapatang pantao ng mga aktibista at government critics ang naturang batas.