Aminado si Senate committee on national defense and security chairman Sen. Panfilo Lacson na hindi pa magagamit ng buo ang Anti-Terrorism Act of 2020 sa pinakabagong kaso ng pagpapasabog sa Jolo, Sulu.
Ayon kay Lacson, hindi pa mapapagana ang buong lakas ng batas, dahil sa mga kinakailangang proseso, kagaya ng pagkakaroon ng implimenting rules and regulation (IRR).
“Hindi ma-implement kasi walang IRR pero effective na ang batas. Kaya lang ano magiging panuntunan ng pag-implement? Yan ang problema. At nangako rin ang executive branch kasi DOJ nangunguna rito sa pagbalangkas ng IRR. May 90-day period kung saan saka sila pwede mag-release ng IRR,” wika ni Lacson.
Gayunman, maaari pa rin umanong habulin ang mga utak ng pag-atake dahil dati nang tinukoy ang Abu Sayyaf Group (ASG) bilang terrorist organization.
“Pero ang ASG kasi na-proscribe na ito ng Basilan RTC under HSA pa. Kung established member ng ASG nagsagawa pwede natin sabihin talaga acts of terrorism kasi proscribed terrorist organization ang ASG. Pero sabi ko nga dahil sa definition ng terrorism kailangan establish natin ang intent. Makukuha natin ang intent sa pamamagitan ng pagkalap ng ebidensya para makita ang intent or purpose ng suicide bomber. Kung halimbawa sira lang ulo kasi di pa natin alam talaga yan. Sa ngayon on its face maliwanag yan,” dagdag pa ng senador.
Habang ang pagmamanman at iba pang pamamaraan sa paglikom ng impormasyon ay hindi pa rin pwedeng maisama.