Tinatarget ngayon ng Armed Forces of the Philippines na magdeploy ng anti-submarine helicopter sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr. ilang araw pagkatapos ng pinakahuling girian sa pagitan ng Pilipinas at China sa naturang pinag-aagawang teritoryo.
Ayon kay Brawner, ang AW159 Wildcat chopper ang plano nitong ipadala sa WPS, na isa sa pinakabagong karagdagan sa mga kakayahan ng AFP sa maritime patrol and security.
Bukod dito ay mayroon din itong kapabilidad na ma-detect at strike ang anumang submarine na ilegal na pumapasok sa karagatang nasasakupan ng ating bansa.
Kayang-kaya rin aniya nitong tirahin ang iba pang seacraft gamit ang mga rockets nito.
Inaasahang ipapakalat ang mga helicopter sa West Philippine Sea ngayong taon, habang pinapalano rin ng AFP na bumili ng apat pang anti-submarine chopper sa mga susunod na taon.
Samantala, bukod dito ay inaasahan ding magdedeploy kasundaluhan ng mga karagdagang barko sa West Philippine Sea sa susunod na taon sa sandaling dumating ang mga bagong barko.