Malapit nang maging ganap na batas ang Anti-POGO Bill kasunod ng pag-apruba ng House of Representatives sa bersyon ng Senado ng panukalang batas, na nagbabawal sa pagtatatag, operasyon, at pagbibigay ng serbisyo na may kaugnayan sa offshore gaming at mga aktibidad ng POGO sa Pilipinas.
Ayon kay Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian, Sakop din ng panukala ang pagpapanagot sa sinumang tumulong sa ilegal na pagpasok o paglabas ng bansa ng mga indibidwal o dayuhang sangkot sa POGO gamit ang mga peke o ‘di-wastong mga dokumento ng pagkakakilanlan, kasama na ang travel records.
Kapag naisabatas, magtatatag ito ng isang Administrative Oversight Committee (AOC) na pamumunuan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission, na siyang mangunguna sa epektibong pagpapatupad ng batas.
Mula pa noong Oktubre 2022, inaaral na aniya ng Committee on Ways and Means ang mga epekto ng POGO sa lipunan at ekonomiya ng bansa, kabilang dito ang mga isyu sa regulasyon at pagpapatupad ng batas.
Samantala, iginiit naman ni Senador Christopher “Bong” Go, dapat total ban o tuluyan nang ipagbawal ang POGO sa bansa.
Dati nang sinabi ng senador na na tuluyan nang “naghasik ng lagim” sa bansa ang POGO kaya’t “compromised” na aniya ang peace and order sa Pilipinas.