-- Advertisements --

Bukas umano si Acting Senate President Sherwin Gatchalian sa posibilidad ng pakikipagpulong sa kampo ni Senate President Alan Peter Cayetano upang pag-usapan ang umiiral na alitan sa liderato ng 

Senado.

Sa isang panayam, sinabi ni Gatchalian na handa siyang 

makipag-usap sa lahat ng senador, kabilang ang mga nasa minority at maging ang kampo ni Cayetano, sa gitna ng patuloy na hindi pagkakasundo sa pamumuno ng Mataas na Kapulungan.

Aniya, mahalaga ang tuloy-tuloy na komunikasyon sa pagitan ng mga mambabatas dahil iisa pa rin ang kanilang institusyon at magkakasama silang gagawa ng batas para sa bansa.

Matatandaang inimbitahan ni Cayetano sa kaniyang facebook live  si Gatchalian para sa isang pagpupulong, kung saan sinabi nitong may solusyon siya sa usapin kung sino ang “unay na Senate President.

Sa naturang pahayag, iginiit din ni Cayetano na batay umano sa kanyang pananaw sa mga sangguniang legal at konstitusyonal, ang lehitimong lider ay yaong nakakuha ng 13 boto ng mga senador.

Gayunman, nilinaw ni Gatchalian na ang kasalukuyang layunin ng kanyang grupo ay maibalik ang normal na operasyon ng Senado at matiyak ang pagpapatuloy ng sesyon at mga nakabinbing panukalang batas.

Sa gitna ng patuloy na bangayan sa liderato, nananatiling bukas ang posibilidad ng pag-uusap sa pagitan ng dalawang kampo upang maiwasan ang mas matagal pang pagkaantala sa trabaho ng Senado.