-- Advertisements --

Balik enrollment na raw sa anti-malaria drug na hydroxychloroquine ang Pilipinas sa ilalim ng sinalihang “Solidarity trial” ng World Health Organization sa mga gamot na posibleng makapatay sa virus ng COVID-19.

Ayon kay Usec. Maria Rosario Vergeire, tatanggalin na ng Department of Health (DOH) ang ipinatupad na pagpapatigil sa paggamit ng nasabing gamot.

“They (WHO) now have decided that it is okay and we will again include hydroxychloroquine. Ili-lift na ‘yung pagstop at itutuloy na natin ang gamutan dito sa hydroxycholoroquine,” ani Vergeire sa isang online media briefing.

Kung maalala, pansamantalang ipinahinto ng WHO ang enrollment ng COVID-19 patients sa nasabing gamot dahil sa hindi umano magandang epekto nito sa puso.

Pero matapos daw ang ginawang review ng WHO board sa mga datos, ay nakitang walang rason para baguhin ang trials sa hydroxychloroquine.

Humingi ng pang-unawa si Usec. Vergeire sa publiko dahil sa pabago-bagong rekomendasyon sa gamot, dahil itinuturing pa na bagong uri ng virus ang SARS-CoV-2 o virus na nagdudulot ng COVID-19.

Lumabas din kasi pag-aaral ng University of Minesotta sa Estados Unidos na hindi epektibo ang nasabing gamot para pigilan ang pagkalat ng sakit sa katawan ng infected na tao.

“Maaring maraming mga tao na magsabi inconsistent, maraming mga tao magsabi pabalikbalik at pabago-bago pero kami we stand by the position na ito’ yung evolving nature of the disease, and decisions may really be changed quite fast because of these new evidence that we get everyday,” ayon sa opisyal.