Magsasagawa ng imbestigasyon ang Anti-Cybercrime Group para matukoy ang nasa likod ng bomb threat sa isang paaralan sa Quezon city.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) chief Police Brigadier General Redrico Maranan, nakatanggap ng bomb threat ang San Francisco National High School sa Quezon city nitong umaga ng Lunes.
Base sa initial report, iniulat ng isang guro na nagpadala ang isang FB account ng bomb threat dakong 6:23 am.
Sinundan ito ng isa pang indibidwal na humingi ng tulong mula sa QCPD at nag-request para sa explosive ordinance disposal team para magsagawa ng operasyon.
Matapos ang isinagawang panelling operation sa eskwelahan, idineklarang cleared o walang banta ng bomba o anumang mapanganib na explosive materials sa naturang paaralan.
Sinuspendi naman ang klase ngayong araw kasunod ng bomb threat.
Pinapaalalahan ang publiko na base sa Presidential Decree No. 1927, may kaakibat na parusa ang pagpapakalat ng maling impormasyon o anumang banta may kinalaman sa bomba, explosives at anumang device o paraan na nakakapinsala.