-- Advertisements --
received 258793922012868

Hinihikayat ng anti-corruption watchdog group na Pinoy Action for Governance and the Environment (Pinoy Aksyon) ang Office of the Ombudsman na agad desisyunan ang mga kasong nakasampa laban kay Clarita Avila.

Si Avila ang napatalsik na dating administrative chief ng National Center for Mental Health (NCMH).

Ang isa sa mga mabigat na kaso laban kay Avila ay ang maanomalyang galawan extension project ng Pavillion VI ng NCMH na nagkakahalaga ng P60 million.

Sumulat ang National Bureau of Investigation (NBI) kay Ombudsman Samuel Martires noong July 8, 2019 at nagpahayag na sinasampahan ng kaso si Avila at ilan pang mga NCMH officials.

Ayon sa NBI may ilang “irregularities” na nakita ang kanilang mga imbestigador sa pagsagawa ng public bidding para sa Pavillion VI ng NCMH.

Ang kontrata sa nasabing project ay ibinigay sa Octant Builders.

IMG 20200610 185425

Nabayaran ang nasabing contractor kahit na hindi ito nakapagsumite ng dokumento para suportahan ang disbursement vouchers galing sa NCMH.

Sinuri rin ng NBI ang mga papeles ng Octant Builders sa Securities and Exchange Commission (SEC). Nalaman nila na si Avila ay isa sa mga incorporator ng Octant Builders.

Ang rekomendasyon ng NBI ay base rin sa kasong graft and malversation na sinampa ni NCMH chief Dr. Roland Cortez noong July 15, 2019.

Ayon dito, ang halagang naibigay sa Octant Builders na P60 million para sa Pavillion VI extension project ay nadagdagan pa ng 10 percent o P6 million ilang buwan matapos nagsimula ang kanilang kontrata.

Dagdag pa ng NBI, ang ganitong kalakaran ay ilang beses nang nagawa ng Octant Builders.

Kung susumahin ay P168 million na ang halaga ng mga projects na nagawa nila sa NCMH.

Magsusumite ng mababang bid ang Octant Builders para makuha nag kontrata, ngunit matapos ng ilang buwan ay biglang maghahanap ito ng dahilan upang madagdagan ang nakalaan na budget para sa project.

Sa kaso ng Pavillion 6, natapos ang project na halos di rin mapakinabangan ang naitayo ng Octant Builders.

Ito ay tinawag ng NBI na “bare and not functional.”

Ito ang isa sa dahilang kung bakit napadalhan ng “Notice of Disallowance” ang Octant Builders.

Kinumpirma ni Cortez ang modus ng Octant Builders sa NBI.

“Magpepresenta sila ng napakababang bid pero babawi sila sa pamamagitan ng additive at deductive activities. Ibig sabihin, dinadagdagan nila ng kung ano-anong bagay ang original project para tumaas ng presyo nito,” sabi ng doctor.

Sinuportahan ni Pinoy Akyon convenor BenCyrus G. Ellorin si Cortez.

“Kaya nananawagan kami sa Obudsman na bigyang pansin agad ang kasong ito. May umabuso sa kanyang tungkulin bilang government official rito. Kailangan natin panagutin. Pera ng taong bayan ang kinamkam n’ya, pera ito mula sa buwis na dapat napakinabangan ng gobyerno,” ani Cortez.

Dagdag pa ni Ellorin na ang pagpataw ng parusa kay Avila ay maaring magsilbing babala sa iba pang taga-gobyerno na umaabuso sa kanilang tungkulin.