Patuloy na nababawasan ang antas ng tubig sa Angat dam sa gitna ng nararanasang epekto ng El Nino phenomenon sa bansa.
Ayon sa state weather bureau, bumaba sa 0.76 meters ang lebel ng tubig sa dam sa nakalipas na 2 araw na nasa 196.82 meters.
Habang kahapon naman, muling bumaba ang antas ng tubig sa dam ng 0.36 meters, bunsod nito ay naging 15.18 meters na mababa pa ito sa normal high level ng dam na 212 meters.
Bagamat patuloy ang pagbaba ng water level ng dam, nananatiling mataas pa rin naman ito sa minimum operating level na 180 meters.
Inaasahan naman ayon kay Patrick Dizon, department manager ng MWSS na ang average ng arawang pagbaba ng antas ng tubig sa Angat dam ay inaasahang nasa pagitan ng 0.30 at 0.40 meters.
Maaaring maabot din ng angat dam ang minimum operating level nito na 180 meters sa buwan ng Hunyo.
Ito ay kung walang mga pag-ulan sa huling linggo ng Hunyo.
Subalit base naman sa forecast ng state weather bureau, makakaranas na ng mga pag-ulan sa Mayo kaya’t positibo aniya na hindi na bababa pa sa 180 meters ang reservoir elevation.