Malapit ng umapaw o umabot sa spilling level ang antas ng tubig sa 3 pangunahing dam ng Metro Manila bunsod ng mga pag-ulan na pinalakas pa ng hanging habagat sa Northern Luzon.
Batay sa latest Dam watch report na inilabas ng Manila Water Co, ang antas ng tubig sa La mesa, Ipo at Angat dam ay nakapagtala ng biglaang pagtaas nitong araw ng Biyernes, Seteyembre 1 kumpara sa antas ng tubig nitong nakalipas na araw.
Sa kasalukuyan ang antas ng tubig sa La Mesa Dam ay nasa 79.61 metro, lagpas sa critical level na 69 meters at halos malapit ng maabot ang spill level nito na 80.15 meters.
Sa kabilang banda naman ang Ipo dam ay mayroong water level na 100.92 meters na mayroon na lamang 0.08 meters na nalalabi bago maabot ang spill level nito na 101 meters.
Gayundin ang Angat dam na malapit ng maabot ang maximum capacity na 217 meters kung saan ang kasalukuyang water level nito ay umaabot na sa 199.15 meters, na mas mataas na sa critical level nito na 160 meters.
Inalerto naman ang mga residente partikular na ang mga nasa lugar malapit sa nasabing mga reservoir sa posibleng banta ng baha.