-- Advertisements --

Nanindigan ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa pagtutol nito sa isinusulong muli na pagpapalit ng Saligang Batas.

Sa isang panayam sinabi ng tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, na malinaw naman kung ano ang dapat na binibigyang prayoridad ng pamahalaan ngayon — ang COVID-19 pandemic.

Hindi kumbinsido ang panig ng pangalawang pangulo sa muling pagbuhay ng diskusyon sa Charter Change, lalo na’t marami pang kulang sa ginagawang responde ng pamahalaan sa kasalukuyang krisis.

“So kasama diyan iyong need for mass testing, kasama diyan iyong need noong increase ng capacity ng ating mga ospital. Noong kamakailang araw lang, ilang ospital na ang nagsabi na either full capacity or near to full capacity na sila. So iyon iyong mga kailangang tugonan.”

Mula nang pumutok ang COVID-19 pandemic sa Pilipinas, naapektuhan din ang mga trabaho at negosyo. Mga sektor na dapat din umanong tugunan muna ng pamahalaan.

“Anong maidudulot ng Charter Change sa ating problemang kasalukuyang hinaharap? Eh mas mabuti pa noong simula noong krisis, eh, nagpasa ang Congress ng Bayanihan [to] Heal As One law.”

Binigyang diin ni Gutierrez na lalabagin lang din ng mga opisyal ang ipinatutupad nilang panuntunan kontra COVID-19 kung itutuloy ng mga ito ang pagsusulong sa Chacha.

“Magkakaroon ng hindi lang proseso sa Kongreso, magkakaroon ng botohan sa buong bansa—yes or no. So papaano ka magsasagawa ng Referendum sa panahon na ito? Sinasabi nga sa mga tao, “huwag kayong lumabas; huwag kayong magtipon-tipon nang marami,” tapos magpapa-eleksyon ka.”

Kamakailan nang manawagan sa pamahalaan ang grupo ng mga local government units para palitan na ang Konstitusyon.

Layunin ng LGU officials na amiyendahan ng Kongreso ang mga probisyon hinggil sa kanilang mandato at kapangyarihan sa komunidad.