Umapela si Interior Secretary Eduadro Año sa mga mambabatas na huwag naman tanggalan ng pondo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at i-realign ang pondo nito sa iba pang mga programa ng pamahalaan.
Ayon kay Año, ang P16.44-billion fund para sa iba’t ibang infrastructure projects sa pamamagitan ng Support to the Barangay Development Program (SBDP) ay makakatulong para maiangat ang estado nang pamumuhan ng mga naninirahan sa 822 remote barangays.
Kaya kung maari ay huwag naman sanang ipagkait aniya ng mga mambabatas sa mga barangay sa malalayong lugar ang suporta na ibinibigay ng pamahalaan pati na rin ang tulong sa mga residente.
Kamakailan lang, ilang mga mambabatas sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang nagsabi na gusto nilang tanggalan ng pondo ang anti-communist insurgency task force na ito dahil sa umano’y red tagging spree ng mga tagapagsalita nito laban sa mga organizers ng mga community pantries.
Karamihan sa mga mambabatas na ito ay nagsabi na mas mainam na gamitin na lamang sa COVID-19 response ng pamahalaan ang budget na ito para matulungan ang mas marami pang mga Pilipino na apektado ng pandemya.