-- Advertisements --

Itinalaga si Assistant Director Angelito Magno bilang bagong Director ng National Bureau of Investigation (NBI), kasunod ng pagbibitiw ni dating Direktor Jaime Santiago.

Ayon sa source ng Bombo Radyo maraming ikinonsiderang issue bago nabuo ang pasya para sa appointment ni Magno.

Ang bagong hepe ng NBI ay dating pinuno ng Information and Communications Technology Service (ICTS) ng NBI, kung saan siya ay responsable sa mga teknolohikal na aspeto ng operasyon ng ahensya.

Nagsimula si Magno bilang isang line agent sa NBI, kaya’t batid niya ang mga hamon sa field operations.

Nanungkulan din siya bilang Deputy Director for Investigative Services noong Agosto 2024, kabilang ang paghahanap kay Bamban Mayor Alice Guo at iba pang high-profile investigations.

Kinumpirma ni Santiago nitong Lunes na tinanggap na ng Pangulo ang kanyang irrevocable resignation o hindi na mababawi pang pagbibitiw. Ayon sa kanya, inaasahang ilalabas ang opisyal na kautusan sa mga susunod na araw, at binigyang-diin na magkakaroon na ng bagong liderato ang ahensya.

Nagpasalamat si Santiago sa mga kawani ng NBI sa kanilang suporta at dedikasyon sa panahon ng kanyang panunungkulan. Umaasa siyang ipagpapatuloy ng mga ito ang kanilang tapat na paglilingkod sa bayan.

Si Santiago, isang retiradong hukom, ay itinalaga bilang NBI Director noong Hunyo 2024. Ngunit makalipas lamang ang dalawang buwan, noong Agosto, ay naghain siya ng pagbibitiw.

Sa kanyang pahayag, sinabi niyang, “Detractors and those who have a sinister interest in my position incessantly make moves to blemish my reputation.”

Bunsod nito, pinili niyang bumaba sa puwesto upang hindi na lumala pa ang kontrobersiya.

Ang NBI ay pangunahing ahensya ng gobyerno na tumutugis sa mga kaso ng kriminalidad, katiwalian, cybercrime, at iba pang sensitibong imbestigasyon. Sa gitna ng mga panawagan mula sa sektor ng negosyo at paggawa na paigtingin ang kampanya kontra korapsyon, mahalaga ang papel ng NBI sa pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal at pagprotekta sa interes ng mamamayan.