Ipinagkibit-balikat lamang ni IBF super flyweight champion Jerwin Ancajas ang pag-urong sa nakatakda sana nitong title defense sa susunod na buwan kontra sa Mehikanong si Jonathan Javier Rodriguez sa Las Vegas.

Bago ito, natanggap ni Ancajas ang abiso na kanselado ang kanilang bakbakan ni Rodriguez na gaganapin sana sa Pebrero 22.

Ayon kay Ancajas, sanay na raw ito sa ganitong mga kanselasyon at itutuon na lamang niya ang kanyang pokus sa pagsasanay sa lungsod ng Dipolog.

Sinabi naman ng kanyang trainer na si Joven Jimenez, posible raw na sa ikalawang linggo ng Abril na matutuloy ang naudlot na laban ng kanyang alaga.

Sa ngayon daw kasi ay masusing sinusuri ng international matchmaker at MP President na si Sean Gibbons ang mga posible nitong makatunggali.

-- Advertisement --

Gayunman, maganda pa rin daw ang itinatakbo ng pagsasanay ni Ancajas, na tumatakbo sa bundok at nagsasagawa ng ring work sa isang improvised gym.