MANILA – Malamig ang sagot ng Department of Health (DOH) nang tanungin kung posible bang gawin din sa Pilipinas ang alternatibong swab test na ginagawa ngayon sa China para sa COVID-19.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, “inconvenient” o sagabal ang anal swabbing o pagkuha ng sample sa bahagi ng pwet para matukoy kung tinamaan ba ng coronavirus ang isang tao.
“The anal swabs are very inconvenient, napakahirap both for the individual and healthcare workers,” ani Vergeire.
Sa artikulo ng pahayagang Global Times nakasaad na isang 9-year old na bata sa Beijing ang nag-positibo sa coronavirus sa pamamagitan ng anal swab test.
Ayon kay Dr. Li Tongzeng, deputy director ng infectious disease sa Beijing Yuan Hospital, may mga pag-aaral na nagsasabing mas nabubuhay ng matagal ang coronavirus sa ibabang bahagi ng katawan at dumi ng tao.
Wala pang pahayag ang World Health Organization at United States Centers for Disease Control and Prevention sa ulat.
Pero ayon sa isa pang health expert sa China, nananatiling efficient o epektibo ang swab samples mula sa ilong at lalamunan.
“There have been cases concerning the coronavirus testing positive in a patient’s excrement, but no evidence has suggested it had been transmitted through one’s digestive system,” ani Dr. Yang Zhanqiu, deputy directo ng Wuhan University Pathology Biology Department.
Ayon kay Vergeire naka-depende pa rin sa mga eksperto ng bansa kung iko-konsidera ang teknolohiya ng anal swabbing pang-detect ng COVID-19.
“No matter what the articles would say, kung papasok itong teknolohiya sa ating bansa, dadaan pa rin sa validation na ginagawa ng ating national reference laboratory tulad ng ginagawa natin dito sa iba’t-ibang technologies na isinasagawa yung validation studies ng RITM and has to be registered with the FDA.”
Sa kasalukuyan, tanging ang blood sample para sa rapid antibody test; saliva samples para sa saliva RT-PCR test; at nasopharyngeal swab sample para sa RT-PCR at antigen test ang kinikilala ng gobyerno pang-detect ng COVID-19 sa Pilipinas.