-- Advertisements --

Umapela ng “not guilty” ang panganay na anak ni Justice Secretary Jesus Crisin Remulla sa kinakaharap nitong illegal drug possession charges.

Kinumpirma ito ng kaniyang abogado na si Atty. Jose Christopher “Kit” Belmonte kasabay ng arraignment o paghahabla ng kaso ng Las Piñas Regional Trial Court sa pamamagitan ng video conference.

Sa ngayon, wala pang pinal na petsa para sa pagpresenta ng mga ebidensiya ng kampo ng nakababatang Remulla.

Kasalukuyang nasa preliminary investigation ng Pasay City Prosecutor’s Office ang reklamong importasyon ng iligal na droga laban kay Juanito Jose Remulla III.

Maalalang naaresto si Juanito noong nakalipas na buwan matapos na makatanggap umano ito ng isang parcel na nakapangalan sa kaniya na naglalaman ng P1.3 million halaga ng high grade marijuana sa isinagawang controlled delivery operation sa Las Piñas City.