Pinili ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr bilang bagong ambassador ng Pilipinas sa Austria ang anak ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na si Evangelina Lourdes “Luli” Arroyo-Bernas.
Ang kanyang nominasyon ay isinumite na sa Commission in Appointments (CA).
Si Luli ang magiging Philippine envoy din sa mga bansang Slovakia, Croatia, at Slovenia.
Noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Luli Arroyo ay chairperson ng National Museum board of trustees.
Ito ay nagtapos ng masters degree sa international relations mula sa Georgetown University at matagal na itong nakapasa sa mahirap na eksaminasyon sa foreign service officer (FSO).
Samantala, agaw pansin din ang pagtatalaga ng Pangulong Marcos kay retired general Andres Centino, ang dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, bilang bagong ambassador to India. Magiging envoy din siya sa Nepal.
Si Centino ay miyembro ng Philippine Military Academy Class of 1988. Naging AFP chief siya ni Duterte noong 2021.
Hanggang sa unang bahagi ng Pangulong Marcos na nagtapos noong August 2022.
Kabilang pa rin sa nakabinbin ang nominasyon sa CA ay ang dating journalist na si Jaime FlorCruz bilang susunod na bagong ambassador sa People’s Republic of China. Si FlorCruz ay dating bureau chief ng CNN.
Siya ay isang aktibista sa panahon ng rehimeng Marcos at nagkaroon ng study grant sa China pero inabutan ng deklarasyon ng Martial Law kaya napuwersang doon na manatili.
Samantala natanggap na rin ng Commission on Appointment ang mga nominasyon nina Secretaries Ivan John Uy ng Department of Information and Communications Technology, Maria Susana Ople para sa Dept. of Migrant Workers, Raphael Perpetuo Lotila sa Energy, Sec. Benjamin Diokno sa Finance, Sec. Renato Solidum para sa Dept. of Science and Technology.
Gayundin din isinumite na ng Malakanyang ang nominasyon nina Secretaries Jaime Bautista sa Dept. of Transportation, Manuel Bonoan sa Dept of Public Works and Highways, Sec. Erwin Tulfo sa Dept of Social Welfare and Dev’t, Alfredo Pascual sa Trade and Industry, Sec. Jose Acuzar sa human settlements, director general Arsenio Balisacan sa National Economic and Development Authority at Sec. Lucas Bersamin bilang executive secretary.
Nilinaw naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri, na made-delay ang pagtalakay ng mga nominasyon ng naturang mga opisyal ng Marcos cabinet at mga envoy dahil abala ngayon ang Senado sa pagdinig sa national budget.
Maaari gawin na lamang daw ito sa huling bahagi ng buwang ito.