CAGAYAN DE ORO CITY – Kinumpirma ng Pinay worker na nagtatrabaho at residente na sa Kuwait na maging ang anak na lalaki ng Kuwaiti couple na pangunahing suspek pagpatay kay Jeanelyn Villavende ay kabilang sa iinimbestigahan ng kanilang sariling pulisya.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Janice Cainoy na hindi umano inalis ng mga pulis na maaring nasangkot din ang anak na lalaki ng Kuwaiti employer ni Villavende na umaabuso sa kanya bago ito namatay sa mismong kustodiya nila noong Disyembre 2019.
Inihayag ni Cainoy na bagamat mismong ang amo pa na lalaki ni Jeanelyn ang nagdala sa kanya sa ospital subalit dahil malaki ang duda ng gobyerno na nasangkot ito sa krimen ay inaresto ito kasama ang sarili nitong maybahay at kasalukuyang ikinulong.
Dagdag nito, hindi umano kinokonsinti ng Kuwaiti government ang pagiging police official ng lalaking employer ni Villavende kaya ipinakulong ito kasama ang kanyang asawa.
Natuklasan na isa ring police officer ang anak na lalaki ng Kuwaiti couple na kasama nilang nakatira sa isang bahay habang naninilbihan bilang kasambahay ang pinatay na si Villavende.
Magugunitang unang inamin ng babaeng Kuwaiti employer na nasaktan nito ang biktima subalit hindi raw intensiyon na mapatay kaya agad namang dinala ng kanyang asawa sa pagamutan subalit dead on arrival na ito nang maasikaso ng mga doktor.
Kung maalaa, walang findings na rape ang Kuwaiti hospital sa namatay na biktima subalit base sa otopsiya National Bureau of Investigation (NBI) dumanas pala ito ng sobrang hirap at maaring ilang beses na naabuso habang nasa kamay ng kanyang mga amo.