KORONADAL CITY – Hindi pa rin matanggap ng ama ng anim na taong gulang na batang babae na ginahasa’t pinatay sa Brgy. Kolambog, Isulan, Sultan Kudarat ang sinapit ng kanilang inosenteng anak mula sa kamay ng itinuturing na matalik na kaibigan ng pamilya.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Bernie Bana-ag, ama ng biktima, bago pa man inamin ng suspek na si Jay Albestor ang krimen ay ito ang kaniyang pinagdududahan ngunit naghintay lamang ito ng matibay na ebidensiya laban dito.

Napatunayan umano nila na ito ang salarin dahil sa nakitang bahid ng dugo sa pang-ilalim na suot ng suspek at ang pagtakas nito kasama ang dalawang anak bago pa man sumuko sa mga otoridad sa Sitio Alon, Brgy. San Vicentem Banga, South Cotabato.

Sa ngayon, nais nitong pagdusahan ni Albestor ang kasalanan sa kulungan at magsisi sa kanyang ginawa.

Hiling din ng pamilya ng biktima na sa mga magulang na huwag maging kampante kahit na sa mga malapit na kaibigan at bantayang maigi ang mga anak.

-- Advertisement --

Samantala, nakatakda naman na ihatid sa kanyang huling hantungan ang biktima sa Pebrero 12.