-- Advertisements --

LA UNION – Ikinuwento ni Mang Renante Mazon Sr. sa Bombo Radyo ang pangyayari bago natagpuan na lumulutang sa ilog ang katawan ng tatlo nilang anak sa Barangay Pugo sa bayan ng Bauang, La Union.

Ayon kay Mang Renante, matapos kumain ng pananghalian silang mag-aama ay sabay-sabay ang mga ito na natulog sa kanilang bahay.

Napahimbing ang tulog nito dahil sa sobrang pagod na galing mula sa pangingisda sa ilog at hindi niya namalayan na umalis ng bahay ang kanyang mga anak.

Paggising ni Mang Renante, inakala nitong nangapit-bahay lamang ang mga bata.

Nang hindi makita ang mga anak sa kalapit na bahay ay hinanap niya ang mga ito.

Isang tricycle driver ang nakapagsabi sa kanya na may mga damit ng bata sa tabi ng ilog kaya dali-dali nitong pinuntahan.

Natagpuan na lamang ni Mang Renante ang tatlong anak na lumulutang ang katawan sa tubig at iniahon niya ang mga ito.

Hindi naman akalain ng ina ng mga bata na si Aleng Olivia na madadatnan niyang patay na ang tatlong pinakamamahal na anak.

Wala ito sa kanilang tahanan nang mapahamak ang mga bata dahil nagtinda ito sa palengke ng mga halaan o shellfish na nakuha ng kanyang asawa mula sa pangingisda sa ilog.

Una rito, binawian ng buhay kahapon din ang mga magkakapatid na Mazon na dalawang taong gulang na batang babae at ang kambal na kapwa apat na taong gulang.