Nanawagan si House Committee on Public Accounts chairman Mike Defensor sa Department of Budget and Management (DBM) na gawing 30 percent ang budget cut para sa non-essential expenses ngayong taon para gamitin sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Nauna nang inirekomenda ni Defensor ang 20-percent cut sa non-essential expenses pero 10 percent lang ang ibinawas ng DBM at 35 percent cut naman sa “programmed appropriations” sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act (GAA).
“I am proposing a reduction of at least 30 percent in non-essential expenses of the government. Some of these expenditures we can altogether forego and use the money to fight the Covid-19 pandemic and help the poor and other affected sectors,” ani Defensor.
Sa P4.1-trillion GAA ngayong 2020, sinabi ni Defensor na P1.6 trillion ang nakalaan sa maintenance and other operating expenses (MOOE).
Kung ipapatupad ang 30 percent across-the-board reduction, aabot aniya sa P480 billion ang malilikom para sa COVID-19 response at SAP financial assistance sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino.
Subalit sa kabila nito, iginiit ng kongresista na mayroong ilang MOOE items na hindi maaring bawasan ng 30 percent.
Kabilang aniya sa non-essential MOOE items na maaring bawasan ang alokasyon ay ang para sa biyahe ng mga opisyal ng pamahalaan na aabot sa P19.4 billion; training at scholarship na nagkakahalaga ng P32.9 billion; supplies at materials na papalo sa P108.3 billion; at ginagastos ng mga opisyal sa kanilang mga guest na nagkakahalaga ng P5.2 billion.
“Others that could be reduced considerably are communication, P10.7 billion; hiring of consultants, P29 billion; advertising, P3 billion; subscription, P4.1 billion; and donations, P41.8 billion; printing and publication, P1.9 billion; and membership dues and contributions to organizations, P2.4 billion,” dagdag pa nito.