Tapos na ang problema sa supply ng kuryente sa Iloilo City at makakaasa na ang libo libong residential, commercial at industrial power users ng tuloy-tuloy na serbisyo mula sa bagong Distribution Utility na More Electric and Power Corp. (MORE Power).

Sa isang statement na inilabas ng Energy Regulatory Commission (ERC) sinabi ni Chairperson Agnes Devanadera na tuluyan nang natuldukan ang isyu sa pagitan ng More Power at Panay Electric Co. (PECO), kinikilala umano ng ahensiya ang MORE Power bilang syang distribution utility sa Iloilo City na may lehitimong legislative franchise na inisyu ng Kongreso at may hawak ng Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN) na aprubado ng ERC.

“With the ERC’s issuance of a Provisional Authority to MORE, it is clear that MORE is the bona fide and legitimate distribution utility in Iloilo City,” nakasaad sa statement ni Devanadera.

Sinab ni Devanadera na wala nang karapatan ang PECO na mag-operate sa Iloilo City matapos na rin kanselahin ng ERC ang provisional CPCN na ibinigay nito noong Enero 18, 2019.

Ang provisional CPCN ay inisyu ng ERC sa PECO matapos hindi ma-renew ang kanilang prangkisa, layon lamang ng provisional permit na ito na maging maayos ang transition period o paglilipat ng operasyon ng PECO patungong MORE Power, ngayong tapos na ang transition process at full takeover na ng MORE Power ang distribution system ay wala na ding papel ang PECO sa operasyon ng kuryente sa lalawigan.

“The Commission issued the Provisional Authority to protect consumer’s interest by ensuring uninterrupted electric service to consumers in Iloilo City and prevent chaos and confusion among said customers as to who is authorized to operate the distribution system in the area,” paglilinaw ni Devanadera.

Marso 5, 2020 ipinalabas ng ERC ang CPCN ng More Power na sya ding umpisa ng monthly billing ng mga consumer at sa MORE Power na ito magbabayad ng distribution charges.

Sa panig ng More Power sinabi ni MORE Power President at Chief Operating Officer Roel Castro na umaasa sila ng maayos na pag-takeover ng kumpanya sa Iloilo City, sa mga kritiko nito ay mainam umano na tignan ang batas at desisyon ng ERC sa usapin.

“We strongly urge the consumers to visit the ERC website to check if who is the legitimate distribution utility for the city,” ani Castro.

Nangako si Castro ng mas magandang serbisyo ang naghihintay sa mga consumers dahil na rin sa ipatutupad nilang modernization at pagpapalit ng mga lumang distribution lines at equipment sa buong Iloilo.

“We promise to light up the streets of the city with an efficient and professional staff dedicated to be good community partners of Ilonggos,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng prangkisa ng MORE Power ay mayroon itong 25 taon para i-operate ang supply ng kuryente sa Iloilo City habang winakasan naman ang 95 taong pag-o-operate ng PECO kasunod na rin ng mga reklamo sa serbisyo nito mula sa palpak na customer service hanggang sa mahal na singil, palagiang blackout at pagkasunog ng mga electric poles na banta sa seguridad sa buong lalawigan.