CENTRAL MINDANAO – Away sa politika ang nakikita ng mga otoridad na motibo sa pananambang sa isang alkalde kaninang tanghali sa Maguindanao.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Jibin Boncayao, pinaputukan ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan ang sasakyan ni Mangudadatu Maguindanao Mayor Bai Kule Mangudadatu Tayuan.
Suwerte na hindi tinamaan si Mayor Tayuan bagama’t mabilis na tumakas ang mga suspek nang magresponde ang mga pulis at sundalo.
Si Mayor Tayuan ay tumatakbong bise alkalde ng bayan ng Mangudadatu sa Maguindanao.
Itinurong suspek ng alkalde ang mga armadong tauhan ng kanyang katunggali.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pananambang kay Mayor Bai Kule Tayuan.
Maliban kay Mayor Tayuan, una na ring ibinunyag ni dating Buluan Mayor Jhong Mangudadatu na pinaulanan ng bala ang bahay nito na malapit lamang sa paaralan. Ito’y bago pa man ang pagbaril-patay sa tatlong kasapi ng Barangay Peacekeeping Action Team sa Barangay Poblacion, Buluan, Maguindanao.