Hinimok ni Senador Bam Aquino ang Department of Justice (DOJ) na kumilos nang mabilis sa mga kasong may kinalaman sa maanomalyang flood control projects.
Binigyang-diin niya na inaasahan niyang magkakaroon ng resolusyon sa mga kasong ito pagsapit ng kalagitnaan ng Disyembre.
Tiniyak naman ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na reresolbahin ng DOJ ang limang aktibong kaso at magsasampa ng karagdagang kaso sa Office of the Ombudsman bago matapos ang taon.
Ipinaliwanag niya na ang pagkaantala ay dahil hinihintay ang sapat na ebidensiya para suportahan ang mga salaysay na isinumite sa DOJ.
Kasabay nito, hinimok ni Aquino ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na ilunsad ang pangakong transparency portal na magbibigay sa publiko ng buong access sa lahat ng kontrata ng ahensya.
Tiniyak ng DPWH na magiging operational ang portal sa loob ng isang buwan. Binanggit ni Aquino na mahalaga ang portal sa pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko.














