-- Advertisements --

Umakyat sa mas mataas na puwesto ang Filipina tennis star na si Alex Eala sa pinakabagong rankings ng Women’s Tennis Association matapos ang kanyang kampanya sa Madrid Open.

Mula sa No. 44, umangat si Eala sa ika-42 puwesto sa singles rankings matapos makapasok sa second round ng torneo, kung saan nakapagdagdag siya ng 35 puntos para sa kabuuang 1,285 puntos.

Sa kanyang kampanya, tinalo ni Eala si Anastasia Pavlyuchenkova sa first round sa iskor na 6-3, 6-3, bago natalo kay Elise Mertens sa second round, 2-6, 1-6.

Sa doubles naman, nakipagtambal si Eala kay Zeynep Sonmez kung saan umabot sila sa second round. Tinalo nila sina Chan Hao-ching at Fanny Stollar sa first round, 6-2, 6-2, bago yumuko kina Katerina Siniakova at Taylor Townsend sa second round, 1-6, 5-7.

Dahil sa kanyang performance, nakakuha si Eala ng 120 puntos sa doubles na nag-angat sa kanya sa career-high na No. 88 sa rankings, mula sa dating No. 99.

Kasalukuyang nasa Rome si Eala upang paghandaan ang kanyang pagsabak sa Italian Open.