Pasok na sa quarterfinals ng Mubadala DC Open ang Filipina tennis star na si Alex Eala matapos talunin ang defending champion na si Leylah Fernandez ng Canada, 6-2, 7-6 (7-1).
Matapos dominahin ang unang set, nakabawi si Eala mula sa 1-5 deficit sa second set bago tuluyang maipanalo ang laro sa loob ng isang oras at 53 minutes
Ayon kay Eala, naging mahirap ang laban dahil magaling ang kanyang kalaban na si Fernandez, ngunit ipinagmamalaki niya ang pagiging kalmado sa laro.
“I think I had definitely some tough moments in that match and credit to Leylah, she put me in some really tough positions. I’m super proud of how I fought and how I stayed in there,” ani Eala.
Dagdag pa niya, naging susi sa kaniyang tagumpay ang pagiging matiyaga sa paghahanap ng paraan para bumawi kahit lumayo ang agwat nito sa kalagitnaan ng laban.
Matatandaang una nang pinataob ni Eala sa unang round ang Paris Olympic gold medalist na si Zheng Qinwen ng China sa isang tatlong set na laban.
Sa quarterfinals, haharapin ni Eala ang magwawagi sa pagitan ng second seed na si Elina Svitolina ng Ukraine at qualifier na si Polina Kudermetova ng Russia.
















