-- Advertisements --

Muling magtatapat sina Filipina tennis sensation Alexandra “Alex” Eala at Canadian star Leylah Fernandez sa Round of 16 ng Mubadala DC Open, ilang buwan matapos ang kanilang unang paghaharap sa Stuttgart Open.

Nakuha ni Eala ang tiket sa susunod na torneo matapos ang impresibong come-from-behind victory laban sa dating world No. 4 at 2024 Paris Olympic gold medalist na si Zheng Qinwen ng China, 4-6, 6-4, 6-1.

Samantala, madaling nalusutan ni Fernandez ang Polish player na si Magda Linette, 6-1, 6-4, sa opening round ng WTA 500 tournament.

Huling nagharap sina Eala at Fernandez noong Abril sa Stuttgart Open, kung saan nanalo ang Canadian star, 6-1, 6-4.

Kasalukuyang ika-34 sa world rankings si Fernandez, na may dugong Filipino rin. Mayroon na siyang limang WTA singles titles at naabot ang world No. 13 noong Agosto 2022.

Kabilang din sa pinakamalalaking tagumpay ni Fernandez ang pag-apak nito sa finals ng 2021 US Open at quarterfinals ng 2022 French Open.