-- Advertisements --

Magpapatuloy pa rin ang pagpapatupad ng mga alert level system sa bansa kahit na pormal nang manungkulan ang susunod na administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Nilinaw ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa kaniyang naging pahayag sa ginanap na “Beat COVID-19 Media Forum” ng Department of Health (DOH) ngayong araw.

Paliwanag ni Vergeire, ang Inter-Agency Task Force (IATF) daw kasi na nagpapatupad ng mga alert level system sa bansa ay suportado at alinsunod sa mga batas na pinagtibay ng gobyerno dahilan kung bakit mananatiling epektibo ang lahat ng mga resolusyong ipinapatupad nito.

Dagdag pa ng undersecretary, maaari lamang na mabago ito sakaling mapagdesisyunan ng susunod na administrasyon na baguhin o palitan ang mga ito.

Ang Inter-Agency Task Force on Emerging and Infectious Diseases (IATF-IED) ay binubuo ng iba’t-ibang mga gabinete ng pamahalaan upang bumuo ng mga patakaran para tugunan ang mga banta at epekto ng COVID-19 sa bansa.