-- Advertisements --

Ibinahagi ng aktor na si Albie Casiño na ang pagiging ama ang nagtulak sa kanya na maging mas vocal sa mga isyung panlipunan, kabilang ang pag-call out niya kay content creator at engineer Slater Young kaugnay ng kontrobersyal na The Rise at Monterrazas project sa Cebu.

Sa isang press conference noong Nob. 13 para sa kanyang pelikulang “Andoy”, sinabi ni Albie na mas naging “political” siya dahil nais niyang magkaroon ng mas magandang kinabukasan ang kanyang anak.

Nauna nang pinuna ng aktor si Slater sa social media dahil sa pananahimik nito sa gitna ng panibagong batikos sa proyekto, na pinaniniwalaang nakadagdag sa baha sa Cebu. Ayon sa kanya, kahit hindi niya personal na kilala si Slater, may obligasyon siyang magsalita lalo na’t dati umanong tiniyak ng celebrity engineer na hindi makakasama sa kalikasan ang proyekto.

Ibinahagi rin ni Albie na “heartbreaking” para sa kanya ang mga video ng mga biktima ng malawakang pag-baha, partikular ang isang batang umiiyak habang sinasabing nawala na ang lahat sa kanilang pamilya.

Hinimok niya si Slater na magsalita at magbigay man lang ng pakikiramay sa mga naapektuhan.

Binanggit din ng aktor na isa sa kanyang Christmas wish ang mapanagot ang mga sangkot sa korupsyon, kabilang ang mga nasa likod ng mga umano’y maanumalyang flood control projects.