Ipinaliwanag ng Department of Health (DOH ) ang validation process na pinagdadaan ng COVID-19 test results bago masali sa opisyal na listahang inirereport ng ahensya sa publiko.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, may apat na hakbang ang proseso na nagsisimula sa pagsu-submit ng “line list” ng positive patients sa Epidemiology Bureau.
Ang line list ay datos ng mga hinawakang test ng mga laboratoryo mula nang sila ay magumpisang mag-operate.
Sunod namang tutukuyin ng DOH-EB ang duplicate entries o multiple tests na ginawa sa isang pasyente at tatanggalin sa listahan.
Itinuturing din na duplicate entry ang mga pagkakamali sa encoding.
“Tulad ng ‘Maria’ na maaaring i-spell ng ‘Ma.’ lang o maaaring i-spell ng buo, na akala ng laboratoryo ay dalawang tao pero iisang tao lang pala. Iba lang ang pagsulat ng pangalan.”
Mula rito matutukoy na raw ng tanggapan kung alin ang mga bagong confirmed cases na hindi pa nae-encode sa kanilang sistema.
Huling hakbang ang pagtukoy ng EB mula sa sistema nito, nang “unique positive individuals” o mga pasyenteng nag-positibo sa unang RT-PCR test ng laboratoryo.
“Makikita sa pagsusuring ito ang bilang ng mga correctly tagged na bagong kaso sa isang laboratoryo. Ibig sabihin ang taong ito ay unang nagpa-test at nagpositibo sa laboratoryong ito.”
“Makikita rin ng EB ang mga kaso na nagpa-repeat test sa laboratoryong ito at ang unang test na ginawa sa ibang laboratoryo.”
Ayon sa DOH maaaring mabawasan ang discrepancy o agwat ng bilang ng confirmed cases at positibong mga indibidwal na tinest, pero hindi ito mawawala dahil sa posibilidad ng duplication na dulot ng encoding errors at repeat tests.
“To understand the number of COVID-19 cases in the counrt, we take into consideration the number of confirmed cases in our case bulletins, not the crude number of positive individuals tested under the testing capacity base on our situational report.”