Sa gitna ng nalalapit ng pagpili muli ng susunod na Santo Papa sa Mayo 7, 2025, muling nabuksan ang usapan ukol sa proseso ng pagpili ng bagong Santo Papa.
Kaugnay nito, muling binigyang-pansin ng mga eksperto hinggil sa kasaysayan ng Viterbo Conclave ng taong 1268 hanggang 1271—ang pinakamahabang halalan ng pagpili ng Santo Papa sa kasaysayan ng Simbahang Katolika, na tumagal ng halos tatlong taon.
Isinagawa ito sa lungsod ng Viterbo, Italy matapos ang pagkamatay noon ni Pope Clement IV, nagkaroon ng matinding pagtatalo ang 19 na cardinal na nahati sa maka-Pranses (House of Anjou) at maka-German (sumusuporta sa emperador) na mga kampo.
Wala pang formal na “conclave” rules noon kaya bukas pa sa politika at external pressures ang pagpili sa susunod na Papa.
Sa tindi ng pagkakabaha-bahagi, kinailangang ikulong ng mga opisyal ng lungsod ang mga cardinal sa loob ng Palazzo dei Papi, at kalauna’y tinanggal pa ang bubong ng gusali upang mapilitang magdesisyon ang mga ito.
Sa huli, pinili ng isang maliit na komite si Teobaldo Visconti, arsobispo ng Acre, hindi cardinal at hindi pa pari na noon ay nasa Holy land. Tinanggap niya ang posisyon at kalaunan ay naging Pope Gregorio X noong 1271.
Bilang tugon sa napakatagal na pagpili ng Santo Papa, binuo ni Pope Gregorio X ang ”Ubi Periculum” o ang Second Council of Lyons noong 1274, na siyang naging batayan ng mga pagpili sa conclave, kabilang ang sapilitang pagkakakulong ng mga cardinal sa isang silid —”cum clave” na ang ibig sabihin “with a key” at paghihigpit sa pagkain para mapadali ang botohan.
Ang kasaysayang ito ay paalala na ang pagpili ng Santo Papa ay isang banal na tungkulin na hinubog ng kasaysayan malayo sa mga drama na pagsasalaysay ng pelikula at nobela.