Ipinaliwanag ng Department of Health (DOH) ang ipinatupad nilang pagbabago sa klasipikasyon ng mga pasyenteng tinamaan ng coronavirus disease (COVID-19).
Sa virtual presser ng DOH, sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na alinsunod ang kautusan sa guidelines ng World Health Organization (WHO).
Nakapaloob sa inilabas na Administrative Order No. 2020-0013 ng Health department ang pagpapalit sa mga klasipikasyong patients under investigation (PUI) at patients under monitoring (PUM) bilang “suspect,” “probable,” at “confirmed” case.
“Hindi ito basta-basta binago. We are not changing, but we are evolving. Ang pagkakaroon ng bagong classification ay dahil sa mga bagong epidemiologic information na nakukuha sa araw-araw,” ani Vergeire.
“Ating tandaan na ang virus na ito, ang COVID-19, ay bago kaya araw-araw mayroon tayong karagdagang kaalaman na nakakalap para dito (sa COVID-19).”
Dagdag pa ng kalihim, ang pagbabago na ito sa mga termino ay magbubunga ng expansion sa healthcare services.
“Ang bagong classification ay base sa international system, ayon na rin sa recommendation ng WHO. In-align natin ang lokal na sistema sa sistemang ginagamit ng ibang bansa upang magtugma ang ating pagre-report ng mga kaso ng COVID-19 sa buong mundo.”
Ituturing na “suspected” case ang indibidwal kung siya ay may mga sintomas na katulad ng sa trangkaso gaya ng lagnat, ubo at pananakit ng lalamunan.
Pati na ang mga may edad 60-anyos pataas, may maseselang pagbubuntis, may ibang sakit gaya ng high blood at diabetes; healthcare workers na may lagnat, ubo at hirap sa paghinga; at mga biglang nagkaroon ng biglang sakit sa baga na hindi matukoy ang dahilan at nagpakita ng malalang sintomas.
“(Kapag) nakatira sa isang lugar na may local transmission ng COVID-19, o kaya’y nanggaling sa lugar na may local transmission sa loob ng 14-araw bago magsimulang makaranas ng sintomas at walang ibang makitang dahilan para sa mga sintomas na ito.”
“Yung mga nagkaroon ng close contact sa isang confirmed o probable na kaso ng COVID-19, dalawang araw bago nagsimula ang kanyang sintomas hanggang sa naging negatibo na ito nang ulitin siyang i-test.”
Tinatawag naman daw na “close contact” ang mga nagbibigay ng direktang alaga sa mga nag-positibo o probable case ng COVID nang walang suot na PPE.
“Kayo rin ay close contact kung mayroon kayong direct physical contact sa COVID-19 patient o naninirahan o nagta-trabaho sa lugar na kanyang pinagta-trabahuan sa loob ng dalawang araw na window period bago lumabas ang sintomas; hanggang siya ay maging negatibo.”
Itinuturing na “probable” ang isang suspected case kung hindi tiyak ang naging resulta ng COVID-19 testing nito.
“Kabilang dito ang mga suspects na positibo ang tests pero hindi ginawa sa certified na ospital o laboratoryo kaya kailangan ulitin ito; ang mga nag-positibo galing sa rapid antibody test.”
“Dahil tanging RT-PCR lang ang ginagamit bilang confirmatory test upang matiyak kung mayroon o walang COVID-19.”
Habang ang mga “confirmed” case ay yung mga nag-test positive matapos sumailalim sa RT-PCR test na ginagawa ng opisyal na laboratoryo.