Hindi pa rin napalampas ang pagdaraos ng Halloween Party na karaniwang patok sa mga bata.
Katunayan, isa ang Filipino-American YouTube sensation na si Bretman Rock sa nag-celebrate kung saan ginaya nito si Edna Mode na karakter sa “The Incredibles.”
Buhat nito ang kanyang pamangkin na kyut na kyut sa kanyang red super suit costume na mula rin sa “The Incredibles.”
May mangilan ngilan din naman sa iba’t ibang social media, na mga netizen na kanya-kanyang pakulo sa simpleng trick or treat o ‘yaong pagbigay ng mga tsokolate at kendi.
Hindi rin papahuli ang ilang Overseas Filipino Worker tulad sa Thailand, kung saan witch costume ang inirampa ng Pinay teacher na si Aimee Macavinta.
Ang iba, napa-throwback na lamang o yaong nag-post ng lumang Halloween event picture dahil hindi makapag-celebrate bunsod ng coronavirus pandemic.
Samantala, nagkakaisa rin ang karamihan sa mga doktor sa payo na manatili pa rin sa ating mga bahay kahit nais idaos ang nakagawiang Halloween party.
Tulad na lamang ng doktor mula sa Phoenix na nagsabing OK pa rin naman ang trick or treat sa mga bata pero dapat ay tiyaking sa ligtas itong pamamaraan.
Ayon kay Dr. Scott Anderson, dapat ay magsuot pa rin ng face mask, panatilihin ang social distancing at limitahan lamang sa 10 katao ang pagtitipon upang hindi na makadagdag pa sa dumaraming bilang ng coronavirus cases sa iba’t ibang panig ng mundo.