BUTUAN CITY – Nakipag-ugnayan na sa provincial health office ng Surigao del Norte ang Department of Health (DOH)-regional office Caraga matapos ang insidenteng kinasangkutan ng singer na si Yeng Constantino at asawa nito sa Siargao Island kamakailan.
Ayon sa DOH, nangako ang provincial office ng tulong para sa pagpapaunlad ng health services ng isla para sa mga turistang maaaksidente habang nasa gitna ng pagbisita sa kilalang tourist spot.
Siniguro rin umano ni Dr. Arlene Felizarta, provincial health officer, na maglalabas sila ng statement kaugnay ng insidente.
Kaugnay nito, nilinaw ng regional office ng Department of Tourism na may suporta rin mula sa kanilang hanay para sa health services ng local government units at mga turistang nadayo rito.
Kung maaalala, naaksidente ang asawa ni Yeng na si Yani Asuncion matapos mag-dive sa Sugba Lagoon.